Nararapat lamang na palawigin pa ang umiiral na batas militar sa buong Mindanao.
Ito ang iginiit ng bagong AFP chief of staff Lt. Gen. Benjamin Madrigal na kabilang sa humarap sa mga mambabatas sa ginanap na joint session ng Kongreso.
Aniya, malaking hamon din para sa mga law enforcement agencies ang bantayan ang bansa mula sa mga terrorista na nagbabalak maghasik ng karahasan.
Ayon kay Madrigal, malaking tulong sa pagpapanatili ng seguridad lalo na sa mga residente ng Mindanao ang pagpapanatili ng batas militar.
Aminado naman ang heneral, na kahapon lamang nag-assume bilang AFP chief, mayroon ngang mangilan ngilang mga dayuhang terrorista na nagtutungo sa Pilipinas gamit ang backdoor.
Siniguro ni Madrigal na gagawin niya ang lahat para ‘di na maulit ang rebelyon sa Mindanao.
Para sa security officials ng administrasyon, isa rin daw sa magandang idinulot nito ay ang pag-aresto at pagkumpiska sa mga loose fireams mula sa mga rebeldeng grupo.
Sa ngayon aniya, 143 na rebelde ang naaresto, mas mataas kumpara sa 80 noong nakaraang taon, subalit mayroong nasa 180 pa raw na at large.
Ilang mga kongresista naman ang mariing tinutulan ang hiling ni Pangulong Duterte na palawigin sa ikatlong pagkakataon ang martial law sa Mindnao hanggang December 31, 2019.
Iginiit ng ilang mga kongresista na walang basehan ang muling pagpapalawig sa batas militar sa nasabinh rehiyon.
Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, hindi na maaaring palawigin ang batas militar sa Mindanao, legally at constitutionally dahil mismong si Pangulong Duterte na raw ang nag-anunsyo ng liberation ng lunsod ng Marawi, na pangunahing dahilan daw kung bakit idineklara ang martial law sa Mindanao nang sakupin ito ng teroristang Maute group.