-- Advertisements --
noel clement
Lt. Gen. Noel Clement (photo from Central Command, AFP)

CAGAYAN DE ORO CITY – Ipinaabot ngayon ng bagong upo na pinuno ng sandatahang lakas ng Pilipinas na si Army Lt Gen Noel Clement ang pagtiyak sa publiko partikular sa mga magulang na matitigil na ang mga kaso ng hazing sa mga kadete sa loob ng Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City.

Ginawa ng heneral ang katiyakan kasunod ng pormal na pagpalit nito kay retired AFP chief of staff Gen Benjamin Madrigal Jr sa turn-over of command sa Kampo Aguinaldo.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni AFP spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo na wala sa mga programa at patakaran ng PMA ang pagsagawa ng mga pagmaltrato o hazing sa mga kadete kaya hindi na ito mauulit pa.

Inihayag ni Arevalo na pinatitiyak ni Clement sa pamunuan ng PMA na hindi na masusundan pa ang pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio na pinagtulungang bugbugin ng kanyang upper classmen noong nakaraang linggo.

Kung maalala, tinanggal na rin mula sa PMA rooster ang apat na kadete at kinasuhan ng kriminal matapos makitaan ng basehan na responsable sa mga tinamo na pasa ng katawan ni Darwin kaya binawian ng buhay.

Una nang humingi ng hustisya ang pamilya ng kadete kung saan inihatid na rin ito sa kanyang huling himlayan sa Cagayan de Oro Gardens ng lungsod.