Agad maghahanda ng bagong version ng Security of Tenure Bill o kilala rin bilang Anti-Endo Bill, matapos itong ma-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Senate committee on labor chairman Sen. Joel Villanueva, susuriin nila ang mga dahilan ng pagkaka-veto at sisikaping makapagbalangkas ng bagong bill na makakatugon sa nais mangyari ng chief executive.
Naniniwala ang opisyal na ang nangyari sa anti-endo bill ay manipestasyon na namamayagpag pa rin ang mga naghaharing uri sa lipunan.
“Bilang mga pinuno ng pamahalaan, inaasahan po tayong manindigan para sa mga inaapi at gawin ang nararapat para maging patas ang lipunan. Ngunit ang katotohanan, minsan ay mas matimbang ang mga makapangyarihan at naghaharing-uri. Ang pagka veto ng endo ay isa sa mga manipestasyon ng mga ganitong pagkakataon. Sa kabila po ng lahat, patuloy nating isusulong ang panukalang batas na ito, hanggang hindi nawawakasan ang endo,” wika ni Villanueva.
Hindi naman napigilan ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na sisihin ang ilang miyembro ng gabinete ng Duterte administration na nagkulang umano noong panahon ng konsultasyon.
Matatandaang ilang ulit na kinuha ang opinyon ng mga opisyal at wala naman silang naging pagtutol dito.
Ayon naman kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, nanghihinayang siya sa effort na ginawa ng mga mambabatas para mabuo ang panukala.
Ganito rin ang naging saloobin ng ibang minority lawmakers hanggang sa Kamara.
Habang si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ay nangakong muling isusulong ang approval ng bill sa 18th Congress.