Umaasa ang Pilipinas na mababalangkas ang bagong ASEAN coast guard protocol sa gitna ng tumitinding tensiyon sa disputed waters.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Rear Admiral Armando Balilo, magbibigay daan ang nagpapatuloy na conference ng Association of Southeast Asian Nations (Asean) coast guard sa Davao city para sa paglikha ng naturang rules of conduct sa pagitan ng mga coast guard ng member states.
Sinabi din ng opisyal na target ng ASEAN Coast Guard forum na mapalawig pa ang koordinasyon at kooperasyon sa 10 member states sa maritime law enforcement operations laban sa drug trafficking, human smuggling, illegal fishing, piracy, at pagpasok ng mga armas at iba pa.
Sa isang statement, sinabi ni Balilo na isasapinal ng mga kalahok na Coast Guard officials ang concept paper at terms of reference at nag-inisyatibo na bumalangkas ng South East Asian Protocols on Engagements At Sea for Asean Coast Guards and Maritime Law Enforcement Agencies (Sea-Peace) para gabayan ang ASEAN Coast Guard sa pangangasiwa sa iba’t ibang maritime law enforcement operations sa karagatan.
Matatandaan na sinimulan ang ASEAN Coast Guard forum noong Miyerkules, Hunyo 5 at magtatapos sa araw ng Sabado, Hunyo 8.
Samantala, lahat naman ng member states ng ASEAN kabilang ang Pilipinas, Singapore, Malaysia, Indonesia, Brunei, Laos, Cambodia, Myanmar, Vietnam, at Thailand ay lumahok sa 3 araw na forum.