-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nakahanda na ang Department of Tourism (DOT) at lokal na pamahalaan sa isasagawang rehabilitasyon sa lungsod ng Baguio.

Sa pagbisita ni Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat sa Baguio, sinabi niyang kitang-kita niya na tunay na kailangan nang maayos ang iba’t ibang bahagi ng siyudad.

Aniya, lumaki siya sa Baguio City kaya’t nakikita niya ang pagkakaiba ng Baguio noon at Baguio sa ngayon.

Sinabi niyang mas marami ang isasagawang development gaya na lamang ng pagtatanim ng mga karagdagang pine trees dahil karamihan sa mga pine trees sa lungsod ay matatanda na.

Umaasa ang opisyal na pagkatapos ng isasagawang rehabilitasyon ay mangangamoy pine tree ulit ang Baguio City, mawawala ang polusyon, mababawasan ang trapiko at aasenso ang buhay ng mga residente.

Ninanais ng opisyal na kapag natapos ang rehabilitasyon ay hindi lang magiging It’s More Fun in the Philippines kundi maging “It’s More Fun FOREVER in the Philippines.”

Naglaan ang pamahalaan ng P480-milyong pondo para sa rehabilitasyon sa Baguio City na tinatawag ding “City of Pines,” “Summer Capital of the Philippines” at “Creative City.”