-- Advertisements --
Patuloy na makakaranas ng makulimlim na panahon at may mga biglaang pag-ulan ang Eastern Visayas at Mindanao dahil sa extension ng isang low pressure area (LPA) na nasa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Ayon kay PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) forecaster Ariel Rojas, namataan ang namumuong sama ng panahon sa layong 2,270 kilometro sa silangan ng Mindanao.
Inaasahang sa araw ng Linggo ito papasok sa karagatang sakop ng Pilipinas at maaaring maging ganap na bagyo sa darating na Miyerkules.
Hindi pa naman masabi ng PAGASA kung saan tatama ang sakaling magiging ika-anim na bagyo para sa taong 2019.