-- Advertisements --

Kailangan na ng bansa na magkaroon ng bagong mga bakuna kontra COVID-19.

Ito ang binigyang diin ng Department of Health (DOH) kasunod ng paglitaw ng bagong variants na tinawag na “FLiRT” na naglalarawan sa pagbabago ng amino acid sa spike protein ng COVID-19 virus.

Ipinaliwanag ni Health ASec. Albert Domingo na ang bagong variants under monitoring na KP.2 at KP.3 o FLiRT variants ay hindi na kasing lakas gaya ng original variants na Alpha at Delta.

Base din sa data mula sa Singapore at sa ibang mga bansa, hindi severe ang nasabing variants at kadalasan ay ubo at sipon ang mga sintomas.

Sinabi din ng opisyal na mayroon pa ring natitirang residual immunity mula sa primary series ng covid-19 vaccines at boosters na kailangang palakasing muli kayat kailangan ng bagong bakuna.

Sakali man na bumili ng bagong bakuna, tanging ang high risk lang muna ang bibigyan.

Posible aniyang makakuha ng bagong bakuna sa pamamagitan ng Food and Drug Administration kung saan maaaring mag-apply ang manufacturers ng certificate of production registration (CPR).

Sakaling mangyari ito, magkakaroon ng access ang public at private sector sa bagong mga bakuna.

Subalit sa ngayon wala pa aniyang sapat na datos na para malaman kung gumagawa na ang mga manufacturers o kung kailangan na gumawa ng bagong bakuna kontra sa mga lumilitaw na bagong variants ng covid-19.

Samantala, binigyang diin naman ng DOH official na hindi naalarma ang DOH sa bagong variants pero nananatili itong alerto.

Top