Muling ipinaliwanag ngayon ni dating Supreme Court (SC) Associate Justice Francis Jardeleza ang isinusulong ng kanyang grupo na pagpasa ng bagong Philippine Baselines Law para mas epektibo umanong maipatupad ang Arbitral Award na napanalunan ng Pilipinas laban sa China kaugnay sa maritime dispute sa West Philippine Sea.
Si Jardeleza ay kasama sa high-level Philippine delegation na nag-argue ng kaso ng Pilipinas laban sa China sa Arbitral Tribunal.
Sinabi ni Justice Jardeleza, kailangang maamyendahan na ang Republic Act 9522 para alinsunod ito sa Arbitral Award kung saan nakasaad ang mga teritoryo at maritime features na lehitimong pag-aari o sakop ng Pilipinas.
Ayon kay Justice Jardeleza, magbibigay ng lakas ng loob at kumpiyansa ang bagong batas sa mga West Philippine Sea frontliners o mga miyembro ng Philippine Coast Guard, Philippine Navy at Philippine Airforce na nagpapatrolya sa ating karagatan.
Dito raw kasi sa bagong batas, malinaw na nakalagay na ang mga coordinates, sukat at iba pang deskripsyon ng ating mga hiwa-hiwalay na teritoryo.
Kung sakali raw magkaroon ng kaso ang mga pwersa ng Pilipinas na nagpapatrolya sa West Philippine Sea ay wala silang problema dahil may batas silang pinanghahawakan na siyang nagtatakda ng ating territorial title.