Dapat magpasa ang Kongreso ng bagong batas para magkaroon ng malinaw na sistema para sa people’s initiative at referendum.
Ito ay para mapalitan ang Republic Act (RA) 6735, isang batas na pinagtibay noong 1989 para sa pagpapatupad ng people’s initiative para sa mga panukalang pagbabago sa Konstitusyon na itinuring ng Korte Suprema (SC) na hindi sapat.
Ito ang naging opinyon ng isa sa mga mahistrado ng SC na nagpasya sa kaso ng Lambino vs Commission on Elections noong 2006 na si retired Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna Jr. sa isang Senate inquiry kaugnay sa kontrobersyal na people’s initiative campaign.
Inimbitahan ang retiradong mahistrado sa imbestigasyon ng Senado sa gitna ng mga katanungan sa interpretasyon ng jurisprudence ng SC sa Santiago at Lambino case, gayundin ang ministerial duty ng Comelec na tanggapin ang mga pirma mula sa kasalukuyang isinusulong na people’s initiative.
Sa ilalim ng Santiago ruling, pinaniniwalaan ng SC na hindi sapat ang RA 6735 para saklawin ang sistema ng inisyatibo sa pag-amyenda sa Konstitusyon at nabigo itong magbigay ng sapat na pamantayan para sa subordinate legislation.