Plano ngayon ng Magsasaka Partylist na makagawa ng panibagong batas na magbibigay ng mas maginhawang buhay sa mga magsasaka sa bansa.
Ayon kay Magsasaka Partylist Rep. Argel Cabatbat, umaaray na raw kasi ang maraming magsasaka sa kapapasang Rice Tarrification Law.
Aniya, nawawalan na ng gana ang ilan sa mga magsasaka dahil sa sobrang baba ng presyo ng palay at mga agricultural products.
Dahil dito, gagawa raw ang kanilang hanay ng paraan para maibsan ang paghihirap ng mga magsasaka.
Isa na rito ang tulungan ang mga magsasaka na maibenta ang kanilang produkto sa merkado.
Naniniwala siyang kayang makipagsabayan ng mga magsasaka sa mababang presyo ng mga produktong galing sa ibang bansa basta may tulong lamang na maipaabot sa kanila.
Gusto rin ni Cabatbat na matanggal na ang mga traders at lenders sa sistema ng agrikultura na lalong nagpapalubog sa mga magsasaka sa pagkakautang.