Mas may tiyansa ng maipasa sa Senado ang bagong bersiyon ng panukalang batas na Maharlika Investment Fund (MIF) matapos na sumailalim sa ilang serye ng revision ayon sa co-author ng Senator Francis “Chiz” Escudero
Aniya, marami ng nagbago sa Senate Bill 2020 mula sa dating bersyon nito na Senate Bill 1670.
Ibinahagi ng mambabatas ang isa sa malaking pagbabago sa panukala na nagpapahintulot sa Maharlika Investment Corporation (MIC) na mag-isyu ng bonds.
Ang Maharlika fund ay magkakaroon ng P500 billion authorized capital stocks na binubuo ng P375 billion halaga ng common stocks galing sa gobyerno ng Pilipinas at P125 billion halaga ng preferred stocks galing din sa gobyerno at reputable private financial institutions at corporations na subject pa rin sa ilang mga kondisyon.
Sa inisyal na P125 billion halaga ng Maharlika Investment Corporation common stocks mula sa gobyerno, ang P75 billion dito ay babayarang buo ng dalawang government financial institutions na Land Bank of the Philippines (P50 billion) at Development Bank of the Philippines (P25 billion).
Binigyang diin naman ni Senator Escudero na titiyakin niyang magkaroon pa ring karagdagang safeguards ang bagong bersyon ng Maharlika fund bill at higit sa lahat ay maisaalang alang ang interes ng mamamayang Pilipino.
Inaasahan na magkakaroon ng karagdagang rebisyon sa panukala sa oras na magsimula na ang interpellation sa Senado.
Matatandaan na unang sinabi ni Senator Escudero na hindi papasa ang bersyon ng Maharlika bill ng Kamara sa pagdinig noon ng Senate Committee on banks, financial institutions and currencies.