-- Advertisements --

Kinalampag ng grupo ng mga mangingisda ang bagong talagang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Director Elizer Salilig para depensahan ang mga karapatan ng maliliit na mangingisda sa municipal waters.

Ito ay kasunod ng kontribersiyal na desisyon ng korte na nagpapahintulot sa commercial fishing vessels na mag-operate sa loob ng 15 kilometro ng municipal fishing zone.

Ginawa ng progresibong grupo na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakayaa ng Pilipinas (Pamalakaya) ang naturang hamon sa BFAR chief na naghihikayat sa kaniya na manindigan laban sa ruling ng korte at ipatupad ang matagal nang mga proteksiyon para sa municipal fishers.

Sa isang statement, sinabi ni Pamalakaya Vice Chairperson Ronnel Arambulo sa loob ng mahigit 3 dekadang karanasan ni Director Salilig sa sektor ng pangisdaan, dapat na batid na nito ang paghihirap ng maliliit na mangingisda lalo na pagdating sa kontrol ng monopolyo sa malalaking negosyo sa communal fishing grounds at marine resources.

Nagbunsod nga ng malawakang pagtutol mula sa maliliit na grupo ng mga mangingisda ang ruling ng Korte Suprema at ikinatwirang inilalagay ng naturang desisyon ang kanilang kabuhayan at sa pagpreserba sa marine resources.

Binigyan diin din ni Arambulo na dapat agad tiyakin ni Salilig na manatiling off-limits ang 15 kilometer municipal fishing zone mula sa malalaking commercial fishing vessels.

Una rito, naitalaga si Salilig bilang BFAR director noong Enero 15 at opisyal na nag-assume sa pwesto noong Enero 24 ng kasalukuyang taon.