-- Advertisements --
IMAGE © BJMP chief Allan Iral

Umaasa ang bagong hepe ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na makakatulong ang mga bago nilang pasilidad para maibsan ang problema sa pagsikip ng mga kulungan sa buong bansa.

Sa isang press conference inamin ni Jail Chief Superintendent Allan Iral na nasa higit 400-porsyento ang congestion ngayon sa mga piitan sa kabuuan.

Batay sa datos ng BJMP, pinaka-siksikan ang mga kulungan sa Metro Manila.

Kabilang na rito ang Manila City Jail na may halos 6,000 preso sa kabila ng maximum nito na 1,200 inmates.

Maging ang Quezon City Jail na may hanggang 900 na preso lang na kayang i-accommodate ay may laman ngayong higit 5,000 preso.

Sa kabila nito tiniyak ni Iral na natutugunan ng BJMP ang pangangailangan ng mga nakapiit lalo na’t panahon ng tag-init.

Tuloy-tuloy din umano ang monitoring ng kanyang mga opisyal sa kondisyon ng mga preso para maiwasan ang pagkakasakit ng mga ito.

Sa ngayon pinaiimbestigahan na rin daw ng BJMP chief ang ulat hinggil sa ilang personnel na kulang umano kung magbigay ng pagkain sa mga inmate.

“Ang magagawa lang namin diyan, ang inaano namin diyan kahit sa pagligo man lang, kung kaya nilang maligo dalawang beses sa isang araw mas maganda,” ani Iral.

“Ang problema naman ay kulang din po sa tubig. Ang inaano natin kung problema ang tubig, puwede silang manghingi ng tulong sa Bureau of Fire Protection,” dagdag pa nito.

“‘Yung ventilation din kailangang i-improve, alisin ‘yung mga harang para tuloy-tuloy ‘yung pasok ng hangin.”

Tiwala naman ito na bababa sa 200-porsyento ang pagsikip sa mga kulungan kapag natapos na ang konstruksyon ng bagong jail facilities at paralegal programs.

Nitong nakaraang buwan nang italaga ng DILG si Iral bilang hepe ng BJMP kapalit ng nag-retiro na si Director Deogracias Tapayan.