Ibinabala ng grupong Philippine Chamber of Telecommunication Operators (PCTO) ang posibilidad ng bagong bugso ng mga messaging scam sa bansa.
Ang bagong messaging scam na ito, ayon sa grupo, ay kayang makapasok o maipadala sa mga users nang hindi dumadaan sa mga filtering system.
Sa inilabas na statement ng grupo, hinihimok nito ang mga industry players at ang pamahalaan na magtulungan upang mapigilan ang panibagong bugso ng text scam, lalo na at nagagawa na rin umano ng mga cybercriminal na pasukin ang mga mga barrier o filter na inilagay ng mga telco para mapigilan ang pagpasok ng mga text scam.
Ikinababahala ng grupo ang umanoy tuloy-tuloy na pagpapadala ng mga scammer ng mga mensahe na mistulang totoo, at napapaniwala ang mga users na nakakatanggap nito.
Ilan sa mga inihalimbawa ng grupo na ginagamit dito ng mga scammers ay ang mga foreign SIM card, fake cell towers, at mga imported na spoofing device.
Sa pamamagitan ng mga ito ay nagagawa umano ng mga scammers na magpadala ng mga mensahe sa kanilang mga target, mang-akit, at mang-scam.