Hinirang ng Pangulong Rodrigo Duterte si Taguig City Judge Louis Acosta para maging Court of Appeals (CA) associate justice.
Ang pagtatalaga kay Acosta bilang kauna-unahang appointee ng pangulo sa CA ay upang palitan ang nagretiro na si Associate Justice Agnes Reyes-Carpio.
Si Reyes-Carpio na nagretiro noong December 1, 2016 ay mother-in-law ng presidential daughter na si Davao City Mayor Inday-Sara Duterte.
Umabot na kasi sa 70-anyos si Justice Reyes-Carpio na siyang mandatory age sa retirement sa hudikatura.
Ito ay ina ni Atty. Manases Carpio na mister naman ni Mayor Sarah.
Sinasabing ang bagong CA Associate Justice na si Acosta ay kapatid ng isa pang CA justice na si Francisco Acosta, na kaklase naman ng Pangulong Duterte sa San Beda College of Law.
Kung maalala kamakailan lamang dalawa ring Bedan ang pinili ng pangulo na punan ang dalawang nabakanteng puwesto na associate justices sa Supreme Court.
Ito ay sina SC Associate Justice Noel Tijam at Associate Justice Samuel Martires.
Ang dalawa ay pormal na ring nanumpa.
Si Martires ay dating Sandiganbayan associate justice at si Tijam naman ay Court of Appeals associate justice.
Si Justice Acosta ay una nang nakatanggap ng limang boto kasama ang apat na iba pang kandidato sa ginanap na botohan ng Judicial and Bar Council (JBC).