Wala na umanong malaking adjustments na kailangang gawin si Jerwin Ancajas sa kanyang ikawalong beses na pagdepensa sa hawak nitong International Boxing Federation super flyweight crown kontra sa bagong kalaban na si Miguel Gonzalez sa Disyembre 8 (Manila time) sa Puebla, Mexico.
Ayon kay head coach Joven Jimenez, nakita niya raw makipaglaban ang Chilean boxer at parehas lamang daw ang fighting style nito sa original challenger ni Ancajas na si Jonathan Rodriguez ng Mexico.
Batay sa record, walo lamang sa 31 biktima ni Gonzales ang napatumba nito sa pamamagitan ng knockout, kumpara sa 15 KOs ni Rodriguez sa 21-1 kartada.
Sa kabila nito hindi mamaliitin ng kampo ni Ancajas si Gonzalez.
Sinabi pa ni Jimenez, dadagdagan pa nila ang mga pinapanood nilang videos ng mga laban ni Gonzalez para pag-aralan ang kanyang mga kalakasan at kahinaan.
Sa ngayon, nakapokus aniya sila sa ensayo ni Ancajas kung saan sasalang itong muli sa sparring ngayong araw.