Kauna-unahan ang India sa mga bansa sa buong mundo na nakapagtala ng mahigit 400,000 bagong coronavirus cases sa loob lang ng isang araw.
Ito ay kasunod na rin nang pagsisimula ng vaccine rollout sa nasabing bansa sa kabila ng nararanasang supply crisis.
Pumalo naman ng 3,523 ang mga bagong namatay sa loob lang ng nakalipas na 24 oras pero inaasahan ng mga eksperto na mas mataas pa rito ang tunay na bilang ng fatalities sa India dahil may ilang namamatay umano na hindi na nire-report.
Sa kabila nito lahat ng nasa tamang edad ay maaari nang makatanggap ng bakuna subalit may ilang estado pa rin sa nasabing bansa ang hindi pa natatanggap ang kanilang mga bakuna para simulan ang pagtuturok.
Unang tinurukan ng bakuna ang mga frontline workers at mga indibidwal na 45-anyos pataas. Sa ngayon kasi ay nakararanas ang India ng kakulangan sa medical oxygen at hospital beds dahil sa ikalawang wave ng COVID-19 na mas lalong nagpapahirap sa health system ng bansa.
Aabot ng 150 million shots ng bakuna ang sinimulan nang ipamahagi sa mga residente ng bansa, katumbas ito ng 11.5% ng 1.3 billion populasyon sa India.
Sa kabila kasi ng pagiging isa sa malaking producer ng bakuna sa buong mundo ay aminado ang India na sila mismo ay nakararanas ng internal shortage kung kaya’t nagpatupad ito ng pansamantalang pagbabawal sa pag-exprt ng AstraZeneca vaccines sa ibang bansa.
Naniniwala naman ang mga eksperto na kailangang paigtingin ng India ang kanilang pagbabakuna sa mga lugar na may mataas na transmission rate ng virus, gayundin sa limang estado kung saan nagsasagawa ng halalan.