CEBU CITY – Positibo ang pananaw ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu, na sa kanyang bagong assignment ay masolusyunan ang lumalalang mga kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Cebu.
Sa isinagawang virtual press briefing ng IATF, sinabi ni Cimatu na bibisita ito sa ilang mga barangay sa Metro Cebu na may mataas na bilang ng mga nahawaan ng virus.
Dagdag pa nito, handa itong makikinig sa mga hinaing ng mga barangay officials upang matugunan ang lalo pang pagkalat ng virus.
Kaya naman daw malaki ang tiwala nito na humupa ang bilang ng mga reported cases sa gagawin nitong mga hakbang.
Samantala, ikinatuwa naman ng mga lider sa Cebu ang appointment ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Cimatu.
Masaya ngayon si Cebu City Mayor Edgardo Labella dahil sa pagbabalik ni Cimatu at nakita na rin nito ang mga accomplishments kagaya ng Boracay rehabilitation, at iba pa.
Sinabi rin nito na malaki ang concern ng Pangulo sa COVID-19 situation sa lungsod lalo na at umabot na sa mahigit 4,000 ang confirmed cases.
Sumang-ayon din si Cebu Governor Gwendolyn Garcia sa pagbisita ni Cimatu upang makita ang tunay na kalagayan o real picture ng Cebu City patungkol sa pandemya na syang nakaapekto rin sa buong isla.