Iginiit ng Department of Health (DOH) na wala pang nakikitang ebidensya na may epekto ang bagong variant ng COVID-19 sa efficacy o pagiging mabisa ng mga bakuna laban sa virus.
Ayon kay DOH Sec. Francisco Duque III, wala pang patunay na mawawalan ng bisa ang bakuna sa bagong coronavirus variant.
“There is no evidence showing that the new [COVID-19] variant will make the vaccines ineffective,” wika ni Duque.
Paliwanag ni Duque, hindi pa nagbabago ang strain ng COVID-19 virus at ang mutation ng naturang strain ay hindi na raw bago.
Bagama’t inamin ng kalihim na may mga agam-agam sa pagiging mabisa ng mga bakuna, binigyang-diin nito na wala pang ebidensya sa ngayon na mawawalan ito ng epekto sa bagong strain.
Kaya naman, sinabi ni Duque na magpapatuloy pa rin ang immunization road map ng pamahalaan.
“I am quite positive, I am optimistic that the COVID-19 immunization road map or the plan will be implemented immediately that is why we have started the preparations,” anang kalihim.