-- Advertisements --
marcos agriculture Francisco Tiu Laurel

Inilatag ng bagong kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka ang mga plano para mapagbuti pa lalo ang sektor ng pagsasaka sa buong bansa.

Kabilang sa mga pangunahing pokus ng Kagawaran, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ay ang pagbawas sa labis na importasyon, at pagbawas ng middlemen.

Ayon sa bagong kalihim, inatasan siya ni PBBM na tutukan ang dalawang pangunahing problema sa bansa, upang mapalago ang sektor ng pagsasaka.

Kabilang sa mga paraan na nais aniyang ipatupad ng Kagawaran ay ang pagpapataas sa produksyon ng mga lokal na produkto.

Dito ay pinaplano ng kalihim na magbuhos ng mas maraming teknolohiya, modernong kaparaanan ng pagsasaka, at mas maraming logistics.

Bahagi rin ng naturang plano, ayon sa kalihim, ay ang pagtiyak na may sapat na suplay ng mga binhi, at pagpapalawak sa serbisyo ng irigasyon sa mga sakahan.

Kabilang din dito aniya ang pagsuporta sa mga magsasaka sa pamamagitan ng libreng abono.

Ayon kay Sec. Laurel Jr, nais niyang mailapit pa sa mga magsasaka ang serbisyo ng pamahalaan sa pamamagitan ng direktang pag-proseso sa mga produkto, direktang pagbibiyahe sa mga ito, at pagdadala sa mga merkado.