Isinasapinal na ng Philippine Sports Commission(PSC) ang planong pagtatayo ng mga bagong dorm at training venue sa Rizal Memorial Sports Complex.
Ayon kay PSC chairman Richard Bachmann, nagawa na ng komisyon ang mga preliminary requirements katulad ng soil testing at posibleng gaganapin na ang groundbreaking sa buwan ng Agosto.
Batay sa inisyal na plano, ang itatayong pasilidad ay kinabibilangan ng seven-story dormitory at training venue na magagamit ng mga national athletes ng Pilipinas.
Ito ay may pondong P100 million.
Ayon pa kay Bachmann, ang unang anim na palapag ay magsisilbing dorm ng mga national athletes habang ang pampitong palapag ay magsisilbing training venue para sa boxing at pencak silat.
Aniya, ang mga naturang pasilidad ay inaasahang makakatulong sa hangarin ng pamahalaan na mapataas pa lalo ang kalidad at galing ng mga atletang Pilipino.