Patuloy na umaani ng reaksyon ang panibagong matrix na ipinresenta ng Malacanang nitong Miyerkules kung saan ilang personalidad at grupo ang muling nadawit sa umano’y ouster plot kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagpasaring si Sen. Antonio Trillanes IV sa chief executive na siyang pinagmumulan umano ng mga maling akusasyon. Pinuna rin nito ang tila pangungunsinti rin ni Presidental spokesperson Salvador Panelo.
Ani Trillanes, hindi patas na mga taga-oposisyon ang sinisisi dahil malinaw umano na nanggagaling sa administrasyon ang pambabato ng mga alegasyon.
“Si Duterte ang nagpapatay ng libu-libong Pilipino, may bilyun-bilyong pisong tagong yaman, gumigiba sa mga democractic institutions, minumura ang Diyos, at nag-iimbento ng mga akusasyon sa mga kritiko niya, tapos kami ang nagdi-discredit,” ani Trillanes.
“May pa-matrix matrix ka pa na nalalaman. Umayos ka nga, Mr. Panelo.”
Hindi naman na raw ito bago para sa Liberal Party (LP) ayon sa presidente nito na si Sen. Kiko Pangilinan.
Ayon sa LP president, taktika ng administrasyon na idiin ang kanilang partido tuwing may ipinupukol dito na kontobersya.
“This is the nth time that the Administration, when confronted with controversy, falsely accuses the LP of being involved in ouster plots. Gawa-gawa lang yan,” ani Pangilinan.
Hinamon naman ng inaakusahan din na si Cong. Gary Alejano ang Malacanang na sampahan ng kaso ang mga nasa matrix kung makapagbibigay ito ng mga ebidensya.
Habang minaliit ni dating Presidential spokesperson Edwin Lacierda ang tinawag nitong Gradeschool matrix.
“This government seemed to have discovered a new technology called The Grade School Matrix as this is the third time this government employed a matrix to refute charges against them,” ani Lacierda.
Bukod sa mga pulitiko, ilang journalist at indibidwal din ang napabilang sa matrix gaya ng Olympian na si Hidilyn Diaz at TV host na si Gretchen Ho na kapwa pinagtawanan lang ang akusasyon.
Ayon pa kay Sen. Panfilo Lacson: “Weightlifter Hidilyn Diaz has brought honor to the country while journalist Gretchen Ho has carved out a name for herself in her field, both through discipline and hard work. Their inclusion in the matrix either involved excellent intelligence work or Bikoy had infiltrated NSA.”
Nauna ng sinabi ni Panelo na hindi propaganda ang matrix para siraan ang hanay ng oposisyon.
Sinabi naman ni Justice Sec. Menardo Guevarra na kailangan pa rin suriin ng kanyang tanggapan ang matrix bago irekomenda ang imbestigasyon sa NBI.