Maglulunsad ang Commission on Elections (Comelec) ng bagong transmission system para sa 2025 national at local elections na gagamit ng “sent-to-all” feature dahil ititigil na ang paggamit ng transparency server.
Sa mga nakalipas na halalan, binibigyan ng access ang media organizations at poll watchdogs sa transparency server na nagpapakita ng resulta mula sa central server ng Comelec.
Subalit para sa darating na 2025 midterm election, ayon kay Comelec chair George Garcia, ang resulta ng halalan mula sa mga polling precinct ay sabay-sabay na ipapadala sa media, election watchdogs, majority at minority political parties, sa city at municipal board of canvassers.
Ibig sabihin, maaaring ma-counter check ng nasabing mga organisasyon ang bawat election results mula sa mga presinto sa kanilang servers.
Sinabi din ni Garcia na maaaring agad na makapagsagawa ng quick count ang poll watchdogs gaya ng National Citizens’ Movement for Free Elections at Parish Pastoral Council for Responsible Voting gamit ang QR codes mula sa election receipts.
Sa ilalim din ng bagong sistema, papayagan ang DICT na magkaroon ng kopiya ng resulta na ipinadala sa Comelec data center.
Umaasa naman ang Comelec na mas magiging transparent ang bagong transmission system kumpara sa dati na naharap sa mga alegasyon ng tinawag na middleman na pinabulaanan naman kalaunan.
Samantala, nakatakdang igawad ng poll body ang P1.4 billion transmission contract para sa halalan sa susunod na taon sa joint venture ng Filipino companies na iOne Resources, Inc. at Ardent Networks, Inc.