Inaasahang sa 2025 maidedeliver na ang bagong guided missile corvettes ng Pilipinas na gawa sa South Korea ayon sa Department of National Defense (DND).
Pero bago ito, sasailalim muna sa sea trials at outfitting ang barko na BRP Miguel Malvar na hinango sa pangalan ng magiting na Pilipinong rebolusyonaryong heneral na si Gen. Miguel Malvar.
Ang BRP Miguel Malvar ang una sa 2 guided missile corvettes na ipapadala sa bansa habang ang isa naman ay inaasahan na idedeliver sa 2026.
Hinango ang desinyo ng bagong missile corvette sa HDC-3100 convert ng Hyundai Heavy Industries (HHI) subalit binago ito para umakma sa requirements ng PH Navy.
Ito ay may kabuuang haba na 118.4 meters, may lapad na 14.9 meters, kayang maglayag ng may bilis na 15 knots saklaw ang 4,500 nautical miles at top speed na 25 knots.
Hindi naman idinetalye ang combat system ng BRP Miguel Malvar subalit mayroon umanong advanced weapon systems ang naturang barkong pandigma gaya ng anti-ship missiles, vertical launch systems at state-of-the-art radar.