Dumating na sa Pilipinas ang bagong guided missile corvette-class warship mula South Korea na may advanced weapons at radar systems.
Ang 3,200 toneladang warship, na tatawaging BRP Miguel Malvar, ay isa sa dalawang corvette-class warships na parte ng kasunduan ng Pilipinas at South Korea noong 2021.
Hango ang pangalan unang corvette sa rebolusyonaryong heneral ng Pilipinas at bayani na si Miguel Malvar.
Ang sister ship nito na BRP Diego Silang ay pormal na inilunsad sa Ulsan, South Korea noong nakaraang buwan subalit nakatakda pa lamang itong ipadala sa Pilipinas.
Pinangunahan naman ni Defense Secretary Gilberto Teodoro ang arrival ceremony ng warship sa Naval Operating Base sa Subic, Zambales. Dito, tinanggap ng Philippine Navy ang bagong barkong pandigma.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ng kalihim na ang pagdating ng BRP Miguel Malvar sa bansa ay hindi lamang upang magsilbing deterrent at tagapagtanggol ng ating mga katubigan kundi bilang isang mahalagang bahagi sa joint at combined operations kasama ang mga kaalyadong bansa.
Matatandaan na unang inanunsiyo ang kasunduan para sa dalawang bagong warships noong 2021, limang taon matapos manalo ng kontrata ang Hyundai Heavy Industries para sa paggawa ng dalawang bagong frigate para sa Philippine Navy.
Ang Corvettes ay maliit at mabilis na barkong pandigma na pangunahing ginagamit sa pagprotekta sa ibang mga barko mula sa mga pag-atake.
Ang pagdating naman ng bagong barkong pandigma ng Pilipinas ay sa gitna ng patuloy na komprontasyon sa pagitan ng mga barko ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.