-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development ang kanilang kahandaan sa pagpapatupad ng mas mahigpit na mga panuntunan sa distribusyon ng Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng kanilang ahensya.

Ito ay matapos na mabigyan ng Commission on Elections ng exemption sa spending ban ang ilan sa mga programa ng ahensya ngayong eleksyon.

Sa isang pahayag ay sinabi ni DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, sa pamamagitan ng pagrebisa ng ahensya sa kasalukuyang guidelines ay hindi magagamit sa pulitika.

Lalo na aniya ngayong panahon ng kampanya para sa Eleksyon 2025.

Ayon kay Dumlao, magkakaroon ng regular na posting ng mga pangalan ng benepisyaryo ng programa lalo na ang tatanggap ng cash assistance sa bawat lalawigan sa ilalim ng bagong probisyon.

Sa panahon naman ng pamamahagi ng programa ay ipinagbabawal sa guidelines ang paglalagay ng campaign posters o banners ng pulitiko at maging ang presensya nito sa lugar ng payout.