-- Advertisements --

DAVAO CITY – Binaril ng hindi pa nakikilalang suspek ang isang bagong halal na Barangay Kagawad sa Sawata, San Isidro, Davao del Norte, na sinasabing nasa loob lamang ng kanyang tindahan sa Prk. Mahogany Brgy. Sawata nang pumasok ang gunman at binaril ito ng tatlong beses kaninang umaga.

Kinilala ang biktima na si Jay Glen Dela Rama, retiradong myembro ng Philippine Army, negosyante at kahapon lang ay nanumpa bilang elected barangay kagawad ng nasabing Baranggay.

Ayon sa report, bigla na lamang pinagbabaril ang biktima at pagkatapos mabilis naman sumakay ang suspek sa naghihintay na Yamaha aerox motorcycle na walang plate number na minamaneho ng kapwa suspek.

Mabilis na dinala sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima at nasa ligtas na kalagayan na ngayon.

Samantala, nagsasagawa pa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya para matukoy ang motibo at responsable sa pamamaril.