Nakapagtala na ang Pilipinas ng bagong mas nakakahawang Omicron XBB subvariant at XBC variant ayon sa Department of Health (DOH).
Iniulat ng DOH na nasa 81 kaso ng Omicron XBB subvariant ang na-detect mula sa dalawang rehiyon sa bansa.
Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, nasa 70 dito ay nakarekober na, walong pasyente ang sumasailalim pa sa isolation habang ang status naman ng tatlo pang pasyente ay kasalukuyang biniberipika.
Sa kabutihang palad ay walang naitalang nasawi.
Batay sa preliminary studies, nauna ng ipinaliwanag ng DOH na ang XBB sublineage ay nagpapakita ng mas mataas na immune evasion ability kumpara sa BA.5. Ito ay nasa ilalim ng omicron subvariants na kabilang sa minomonitor ng World Health Organization (WHO).
Samantala, ang 193 kaso naman ng XBC variant ay na-detect sa 11 rehiyon.
Sa kasamaang palad, ayon kay Vergeire may limang pasyente na dinapuan ng XBC variant ang nasawi.
Nasa 176 katao naman ang nakarekober na, 3 ang sumasailalim pa sa isolation habang ang status ng iba pang pasyente ay kasalukuyang beniberipika pa ng Health department.