-- Advertisements --

Balik sa general community quarantine (GCQ) ang mga probinsya ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal, habang mananatili rin sa GCQ ang Metro Manila simula bukas, March 22, hanggang sa April 4 o ang Linggo ng Pagkabuhay.

Ito’y base sa Inter Agency Task Force (IATF) Resolution No. 104 na inanunsyo ng Malacanang ngayong hapon lamang sa pamamagitan ng Presidential Spokeseperson Harry Roque.

Kabilang pa sa pinakabagong resolusyon ng IATF, isang linggo bago ang pagsisimula ng Holy Week, ay ang pagbawal muli sa ilang pagtitipon at kabilang dito ang religious gatherings.

Pinapayagan naman ang kasal, binyag at funeral services pero limitado lamang sa 10 katao.

Bawal ang pagdaldal at pagkain sa loob ng sasakyan at hangga’t maaari ay iwasan ang sabay-sabay na pagkain sa opisina.

Hinihikayat pa rin ang work from home set up, habang bawal ang face to face meeting.

Tanging outdoor dining ang papayagan sa mga restaurant at tangkilikin kung maaari ang take out at delivery services.

“Hindi po ‘yan hard lockdown, kasi bukas ang ekonomiya. But it is a restriction of movement, kasi iniiwasan natin na kumalat pa yung new variants na nasa Metro Manila at karatig na probinsiya,” ani Roque.

Ang IATF resolution ay sa gitna ng mas paglobo ng kaso ng coronavirus sa bansa kung saan sa ikatlong sunod na araw ngayong March 21, nag-ulat ang Department of Health (DOH) ng mahigit 7,000 bagong kaso ng COVID-19.

Dahil dito, sumirit pa sa 663,794 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.