-- Advertisements --

Kinukonsidera ng Department of Health (DOH) na bigyan ng bagong kahulugan ang validity ng vaccination cards ng mga fully vaccinated na kontra COVID-19.

Ayon ito kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire matapos na inirekomenda ng private sector ng ilang mga miyembro ng vaccine expert panel na magkaroon ng bagong kahulugan sa depinisyon ng full vaccination dahil na rin sa mababang booster shot vaccination rate.

Binigyan diin ni Vergeire na nanatili pa rin namang voluntary ang pagpapabakuna sa Pilipinas kahit mayroon pang mga proposal sa ngayon na gawin na ring requirement sa mga papasok sa mga establisiyemento ang pagkakaroon ng booster shot.

Nabatid na sa ngayon 12.3 million pa lang sa 44 million eligible individuals ang nakapagpaturok ng booster shot laban sa COVID-19.

Sa kabilang dako, nilinaw din niya na hindi sosobra sa 5 percent ang nasayang na mga COVID-19 vaccines kasunod naman ng mga ulat na mayroon nang mga bakuna na malapit nang masira.

Nauna nang pinalawig ng FDA ang shelf life ng ilan sa mga vaccine batches na malapit nang mag-expire.