BACOLOD CITY — Patay ang mister na seaman habang sugatan naman ang kanyang misis na isang nurse matapos mabangga ng tricycle ang motorsiklo na kanilang sinasakyan sa Escalante City, Negros Occidental.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Bacolod, papauwi na sa Brgy. Mabini, Escalante City ang mag-asawa na sina Julius at Jackilyn Mata.
Ngunit pagdating ng mga ito sa Brgy. Jonob-jonob, bigla silang binangga ng kasalubong na tricycle.
Nag-overtake ang tricycle na minamaneho ni Archer Villaran, empleyado sa city hall ng Escalante, at hindi kaagad nakabalik sa kanyang linya kaya’t bumangga sa motorsiklo.
Dahil sa lakas ng pagkabangga, tumilapon ang mister at nabagok ang kanyang ulo sa daan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Sa ngayon, ginagamot pa sa ospital si Mrs. Mata at ang driver ng tricycle matapos masugatan.
Ayon sa report, ang mag-asawang Mata ay bago lang ikinasal.
Wala silang suot na helmet nang mangyari ang aksidente.