DIPOLOG CITY – Nakapagtala ng panibagong kumpirmadong kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang lalawigan ng Zamboanga del Sur, makalipas ang tatlong araw lamang na anunsiyo na zero covid case na ang probinsiya.
Ang panibagong nagpositibo ay isang 58-anyos na lalaki mula sa Aurora Zamboanga del Sur.
Ayon sa pasyente, wala umano itong travel history ngunit patuloy pang bineberipika.
Lumalabas na na-admit ito noong Abril 1 sa Zamboanga del Sur Medical Center at agad na kinuhanan ng swab test ngunit nagnegatibo.
Muli itong kinunan ng sample noong Abril 7 at kahapon ay kinurmpirmang positibo sa virus.
Sa ngayon ay clinically stable naman umano ang pasyente.
Maliban dito dalawang persons under investigation din ang magkasunod na nasawi sa naturang probinsiya.
Unang nasawi ang 86-anyos na babae noong Abril 16 na mula Pagadian City na na-confine sa isang private hospital.
Respiratory failure with cerebrovascular disease infraction ang nakikita ng mga doktor na dahilan ng pagkasawi ng biktima.
Sumunod naman ang isang 52-anyos na lalaki mula sa Aurora na kinumpirmang namatay kahapon.
Acute respiratory failure umano ang dahilan ng pagkasawi at maliban dito ay mayroon umanong underlying medical condition ang biktima.
Ang dalawa ay parehong nakuhanan na ng swab test ngunit nanatiling pending ang resulta.
Wala raw travel history ang dalawang biktima.
Sa ngayon ang probinsiya ng Zamboanga del Sur ay mayroong 43 suspected cases ang nakuhanan na ng sample, 25 dito ang nagnegatibo at 14 naman ang pending pa.
Ang bagong naitalang kaso ay ang pang-apat na nagpositibo sa probinsya ngunit nag-iisang aktibo matapos halos magkasabay na nadischarge ang naunang tatlo nang magnegatibo na sa sakit.