-- Advertisements --

Inanunsyo ng City Health Services Office (CHSO) ang naitalang bagong kaso ng monkeypox (mpox) sa Lungsod ng Baguio.

Ito na ang pangalawang cases ng mpox na kinumpirma ng Department of Health (DOH) sa lungsod.

Kung saan ang tinamaan ng naturang virus ay isang 22-taong gulang na lalaki. Walang history ng pagbiyahe sa labas ng Pilipinas, ngunit mayroong close contact noong nakalipas na dalawang linggo bago magsimulang lumabas ang sintomas nito.

Ang sintomas ng lalaki ay nagsimula sa body malaise, panginginig, at pagkapagod na sinundan ng mga pantal sa palad, mukha, braso, dibdib, at likod.

Nagpakonsulta pa raw ang pasyente sa isang pribadong ospital na kinalaunan ay kinolekta ang mga specimen mula sa mga sugat sa balat nito at ipinadala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM), kung saan nakumpirma ang monkeypox virus.

Ang lalaki ay nahawahan ng mababang type ng virus na tinatawag na Clade 2 type, katulad nang na unang kaso sa Baguio habang ang unang pasyente naman ay nakumpleto na raw ang home isolation nito at ganap nang gumaling noong Enero 17, 2025.

Ang bagong pasyente ay na-discharge mula sa ospital noong Enero 21 at patuloy na nagpapagaling sa home isolation.

Ang dalawang close contact naman ng pasyente ang pina-quarantine na ng Lungsod na tatagal ng apat na linggo mula Pebrero 6 hanggang Pebrero 24.

Pagtitiyak naman ni Mayor Benjamin Magalong at City Health Officer nito na ‘walang dahilan para mag-panic ang publiko.

Pinayuhan nito na ipagpatuloy ang mga health protocols tulad ng madalas na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask, at pagsunod sa physical distancing, lalo na sa mga matataong lugar.

Binibigyang-diin ang pag-iwas sa mga close intimate contact ng mahabang oras dahil ang mpox umano ay puwedeng makuha sa contact activities katulad ng halikan, yakapan, at pati na rin ang paggamit ng mga kontaminadong gamit (hal. kumot, tuwalya).

Samantala ayon sa DOH, mayroon nang kabuuang 52 kaso ng mpox sa iba’t ibang bahagi ng bansa noong buwan ng Disyembre 2024.

Patuloy ang ginagawang monitoring ng mga awtoridad at nakikipag-ugnayan narin sa mga apektadong indibidwal at kanilang mga nakasalimuha. Pinaaalalahanan ang publiko na maging maingat at sundin ang mga hakbang para sa kaligtasan ng mga ito.