Naglatag ang Department of Education ng bagong learning programs para sa mga paaralang apektado ng mga kalamidad.
Ito ay ang Dynamic Learning Program (DLP) na layuning matugunan ang mga pagkaantala sa mga klase dulot ng mga kalamidad at iba pang mga hamon.
Sisimulan ang pilot implementation ng programa ngayong Nobiyembre sa mga paaralang naapektuhan ng bagyo sa Ilocos region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) Bicol region at Cordillera Administrative Region.
Sa ilalim ng naturang inisyatiba, maaaring magsagawa ng make-up classes ang mga apektadong paaralan at gamitin ang DLP activity sheets na simple lang, targeted at adaptable sa temporary learning spaces.
Gayundin maaaring magsagawa ng parallel classes, activity-based engagement, student portfolios, at reduced homework policy.
Hinihimok din ng programa ang mga mag-aaral na pag-aralang mabuti ang mga aralin at hubugin ang mga essential skills tulad ng pagsusulat, problem-solving, at critical thinking.
Ginawa ng DepEd ang naturang inisyatiba kasunod ng ilang linggong suspensyin ng mga klase sa iba’t ibang parte ng bansa dahil sa mga magkakasunod na bagyo.