-- Advertisements --

Binabantayan ng PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) ang isa na namang low pressure area (LPA) na nasa bahagi ng hilagang Luzon.

Ayon kay Chris Perez ng PAGASA, bandang alas-3:00 kaninang hapon nang namataan ang LPA sa layong 1,285 kilometers sa silangan – hilagangsilangan ng “extreme” northern Luzon.

Wala naman aniya itong direktang epekto sa anumang bahagi ng ating bansa at maliit ang tiyansa na maging bagyo.

“Subalit patuloy tayo magmo-monitor at magbibigay ng update dito,” wika ng nasabing meteorologist.

Samantala, ang southwest monsoon o hanging habagat ang magdudulot ng biglaang pag-ulan sa northern at Central Luzon.

Maulap na panahon naman na may kalat-kalat na pag-ulan ang aasahan sa Ilocos Region at iba pang probinsya gaya ng Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, at Palawan.

Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, mangingibabaw ang bahagya hanggang sa maulap na panahon na may kasama ring kalat-kalat na pag-ulan dahil sa tinatawag na localized thunderstorms.