-- Advertisements --

Inamin ng Department of Agriculture (DA) na may minomonitor silang bagong lugar sa bansa dahil sa panibago ring kaso ng mga alagang baboy na nagkasakit.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Agriculture Sec. William Dar na isinailalim na ng kagawaran sa observation ang naturang lugar para mabigyan ng karampatang aksyon.

Tumanggi muna ang kalihim na sabihin ang bagong lugar na binabantayan dahil sa banta ng takot na posibleng idulot sa publiko.

“Last week may incident report ng mga bagong areas so hindi pa naman dapat banggitin kung saan ito para magawa namin yung dapat na gagawin sa ground zero,” ani Dar.

“We will have to observe that for three weeks.”

Kung maaalala, higit 7,000 alagang baboy na ang ipina-cull o pinatay ng DA matapos tamaan ng kahina-hinalang sakit.

Galing ang mga ito sa ilang babuyan sa Guiguinto, Bulacan; at Rodriguez at Antipolo sa Rizal.

Tiniyak ni Sec. Dar na kontrolada ang sitwasyon sa mga babuyan sa Pilipinas kahit nagpositibo sa African Swine fever ang 14 na blood samples ng mga namatay na baboy kamakailan.

Pero may ilang laboratory test pa raw silang inaantay kaugnay nito.

“Ang unang test na na-receive natin, yung resulta ay nagsasabi lang kung positive or negative.”

“Ang daming strain ng virus na yan and that’s why we are still awaiting yung resulta ng viral isolation test. Doon makikita kung gaano ka-virulent itong pathogen na dumapo sa Pilipinas.”