KALIBO, Aklan – Nanumpa na bilang bagong alkalde ng Malay, Aklan si Mayor Abram Sualog.
Ito ay kasunod ng pagsilbi ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa dismissal order laban sa dating mayor na si Ceciron Cawaling nitong Miyerkules ng hapon sa munisipyo ng Malay.
Nanumpa si Sualog sa kinatawan ng DILG.
Binasa ni DILG Region 6 Legal Officer Atty. Cedric Jaranilla ang nilalaman ng dismissal order na tinanggap ni Cawaling.
Kasabay ng kanyang pag-upo bilang alkalde ng nasabing bayan, sinabi ni Sualog na mahigpit nitong ipapatupad ang mga ordinansa at pagtulong sa Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group sa nagpapatuloy na rehabilitasyon ng isla.
Tututukan rin umano ng kanyang administrasyon ang peace and order lalo na sa Boracay upang matiyak ang patuloy na paglago ng industriya ng turismo sa isla.
Samantala, tumangging magbigay ng iba pang detalye si mayor Sualog sa pagsibak sa pwesto sa pinalitang si Cawaling.