-- Advertisements --
image 589

Mariing tinutulan ng Pilipinas ang paglalabas ng Ministry of Natural Resources of the People’s Republic of China ng 2023 bersyon nito ng Standard map dahil sa pagsama nito ng 9-dash line na ngayon ay ginawa ng “10-dash line” na nagpapakita ng halos kabuuan ng pinagtatalunang karagatan.

Iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa isang statement na walang basehan sa ilalim ng international law partikular na sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang panibagong pagtatangka ng China na gawing lehitimo ang sinasabi nitong soberaniya at hurisdiksiyon nito sa maritime zones at features ng Pilipinas.

Kabilang kasi sa nakasama sa 10-dash line map ng China ang West Philippine Sea na itinawag ng gobyerno ng PH sa parte ng pinagtatalunang karagatan na nakapaloob sa exclusive economic zone ng ating bansa na pilit inaangkin ng China.

Sinabi din ng DFA na una ng pinapawalang bisa ng Arbitral Award na iginawad sa Pilipinas noong 2016 ang 9-dash line ng China kung saan nakasaad na ang maritime areas ng pinagtatalunang karagatan na pinapalibutan ng parte ng 9-dash line ay salungat sa UNCLOS at walang legal na epekto sa pagpapalawig pa ng China ng geographic at tunay na limitasyon nito sa kanilang maritime entitlements sa ilalim ng Convention.

Kung kayat nananawagan ang PH sa China na kumilos ng responsable at tumalima sa mga obligasyon nito sa ilalim ng UNCLOS at sa pinal at umiiral na 2016 Arbitral Award.

Una rito, ang bagong 10-dash ng China ay inilagay malapit sa Taiwan upang maipakita na ang status ng naturang teritoryo ay bilang isang Chinese province.

Sa panig naman ng China, tinutulan din nito ang mga protesta sa bagong inilabas na mapa nito at sinabing ito ay bilang parte ng pag-exercise ng soberaniya ng kanilang bansa.