CENTRAL MINDANAO – Kasabay ng simpleng selebrasyon ng ika-59 na anibersaryo ng bayan, pormal nang pinasinayaan ng local government unit ng Libungan, Cotabato sa pamumuno ni Mayor Christopher “Amping” Cuan ang pagbubukas ng bagong municipal hall.
Naging panauhin sa aktibidad ang mga department heads at staff ng LGU-Libungan, ang mga miyembro ng sangguniang bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Dr. Onggie Pader, Vice Governor Emmylou “Lala” TaliƱo-Mendoza, Board Member Shirlyn Macasarte-Villanueva, BM Mohammad Kelly Antao, BM Rose Cabaya, BM Roland Jungco, Sangguniang Kabataan Provincial Federation President Sarah Joy Simblante at iba pa.
Ito na ang magsisilbing panibagong tahanan ng lahat ng departamento ng lokal na pamahalaan ng bayan kasama na ang Session hall ng SB at ang opisina ni Mayor Cuan.
Ayon sa ilang mga residente ng Libungan, maganda at nakakamangha umano ang bago nilang Municipal Building na akalain mong tourist attraction sa makulay nitong disenyo.
Ikinatuwa rin ng mga residente ang pagkatayo ng naturang istruktura dahil mas magiging komportable at presentable na ito para sa mga may transaksyon sa LGU.
Nagpahayag naman si Mayor Cuan ng pasasalamat sa mga naging katuwang at sumuporta sa isa na namang groundbreaking project hindi lamang para sa mga empleyado ng munisipyo kundi pati na din sa mga mamamayan ng bayan ng Libungan.
Nagpasalamat din si Cuan kay Mendoza na isa rin sa mga naglaan ng pondo sa pagtatayo ng bagong Municipal Hall noong ito pa ay nanunungkulan bilang gobernadora ng lalawigan ng Cotabato.