Sinimulan na ang pagbili ng lugar na pagpapatayuan ng bagong naval base sa Subic
Ito ang inihayag ni Department od National Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. sa pagdinig ng Senado sa panukalang P254.1 billion budget ng DND nitong Martes.
Ayon sa kalihim, nagbigay ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kausapin ang mga opisyal ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) para sa pagbili ng espasyong gagamitin ng Philippine Navy.
Sinabi din ng kalihim na natukoy na nila ang lugar kung saan angkop na ipatayo ang main operating base. Umaasa naman silang makukumpleto na ito bago matapos ang 2028 o bago magtapos ang termino ni Pangulong Marcos.
Paliwanag ni Sec. Teodoro na kailangan nila ng bagong mga pasilidad para sa mga assets na nakatakdang bilhin ng PH Navy kabilang ang 10 corvettes at frigates sa katapusan ng 2028 dahil wala pa aniya silang dockyard at kasalukuyan pa lamang na kumukuha ng bagong naval dockyard and forward operating bases (FOBs).
Matatandaan na ang Subic Bay ay nagsilbing naval base ng Amerika mula noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano hanggang Setyembre 1991.