-- Advertisements --

Bumida sa kanyang debut game ang bagong miyembro ng Brooklyn Nets na si Seth Curry nang kumamada ng 23 points upang itumba ng team ang Sacramento Kings 109-85.

Ang panalo ng Nets ay nagbigay sa kanila ng kumpiyansa para tuldukan na rin ang 11 sunod-sunod na talo.

Si Curry naman ay isa lamang sa limang mga players na nagtala ng double figures.

Nagpakitang gilas naman si Bruce Brown na may season-high na 19 points, six assists, at five steals.

Si LaMarcus Aldridge ay nagtapos sa 19 points para sa Nets, si Cam Thomas ay may 14 at ang bago ring player na si Andre Drummond ay nag-ambag ng 11.

Para naman sa Sacramento (22-37 record) minalas ito at napigil ang kanilang dalawang sunod na panalo.

Kung maalala sina Curry at Drummond ay kabilang sa ipinalit ng Nets (30-27) sa isa nilang big three na si James Harden na napunta na sa Sixers.

Samantala si Ben Simmons ay agaw pansin naman sa sidelines ng Nets na nagpapakondisyon pa rin dahil sa ilang buwan na itong hindi nakakalaro kasunod ng away niya sa kanyang dating team management.