-- Advertisements --

Nakatakdang ipatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang panibagong number coding scheme sa buong National Capital Region (NCR) pagkatapos ng eleksyon sa Mayo 9.

Ayon kay MMDA general manager Frisco San Juan, sa ngayon kasi ay nakikipag-ugnayan pa ang kagawaran sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno bilang konsultasyon kung alin ba sa dalawang number coding scheme na kanilang iminungkahi ang dapat na ipatupad sa rehiyon.

Ang Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) ang kasalukuyang number coding scheme ang ipinatutupad ng MMDA sa mga kalsada dito sa Metro Manila, na nagbabawal sa mga sasakyan na bumyahe sa piling mga araw batay sa numero ng kanilang mga plaka.

Ngunit tanging 20% lamang ang naitutulong nito na maibawas sa masikip na trapiko sa ka-Maynilaan.

Magugunita na una rito ay ipinaliwanag na ni MMDA chairman Romando Artes ang naturang dalawang bagong number coding scheme na odd-even scheme na nagbabawal sa mga sasakyan na may plakang nagtatapos sa odd number sa ilang kalsada sa kamaynilaan tuwing Lunes at Huwebes, habang tuwing Martes at Biyernes naman pagbabawalan ang mga sasakyang may plakang nagtatapos sa even number, na magreresulta naman sa 50% na traffic volume reduction.

Habang ang isa pang iminungkahing number coding scheme ay ang modified number coding, hindi papayagan ang mga sasakyan na may plakang nagtatapos sa mga numerong 1 hanggang 4 tuwing Lunes, numbers 5 hanggang 8 tuwing Martes, mga plakang nagtatapos sa 9,0,1, at 2 tuwing Miyekules, number 3 hanggang 6 tuwing Huwebes, at numbers 7, 8, 9, at 0 tuwing Biyernes.

Nasa 40% naman ang maibabawas nito sa trapiko sa Metro Manila.

Samantala, lahat ng naturang coding scheme ay nakatakda namang ipatupad mula alas-7 ng umaga hanggang alas-10 ng umaga, at alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.