Inanunsyo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na nakatakda nang dumating sa bansa sa Nobyembre 29, araw ng Linggo, ang bagong apostolic nuncio na itinalaga ng Vatican.
Una rito, itinuturing ng CBCP na “very good news” ang appointment ng Vatican kay Archbishop Charles John Brown bago ang paggunita sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas sa susunod na taon.
Ayon kay Bishop Gerardo Alminaza ng San Carlos, umaasa silang magiging mabunga at makabuluhan ang pananatili ni Archbishop Brown sa bansa.
Manggagaling ang Apostolic Nuncio sa New York matapos ang kanyang tour of duty bilang apostolic nuncio sa Albania.
Ang 61-anyos na si Brown ay itinalaga sa puwesto noong Setyembre 28, kapalit ni Archbishop Gabrielle Caccia, na in-appoint naman bilang Permanent Observer ng Vatican sa United Nations sa New York.
Bilang papal envoy, siya ang kakatawan ng Holy See sa mahahalagang aktibidad sa Pilipinas kung saan siya ang tatayong dean ng diplomatic corps.
Mahalaga rin ang kanyang gagampanang papel sa pagpili ng mga obispo sa bansa.