-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Kaabang-abang umano ang magiging istilo ng liderato ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director-General Wilkins Villanueva sa oras na magtatrabaho na ito laban sa mga sindikato ng illegal drugs sa Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Villanueva na pangungunahan pa rin nito ang mga malalaking anti-illegal drugs operations laban sa mga sindikato na palihim na kumikilos sa iba’t ibang sulok ng bansa.

Inihayag ni Villanueva na una na itong nagbigay babala sa lahat ng mga illegal drugs syndicate na huwag nang maghintay pa na magkasalubong ang kanilang mga landas dahil tinitiyak nito may kalalagyan ang mga ito.

Pabiro pang sinabi ni Villanueva, mahihirapan nang mananalo ang mga sindikato dahil mismong ang Pangulong Rodrigo Duterte ang may gusto na tuluyang wakasan ang laganap na ilegal na droga sa bansa.

Si Villanueva na kakapanumpa pa lamang sa kanyang bagong katungkulan ay naghahanap ng pagkakataon para makapunta sa Maynila para makipagkita kay Pangulong Duterte.