-- Advertisements --

Posible umanong ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na Lunes ang hahalili kay Ricardo Morales bilang president and CEO ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon kay Sen. Christopher “Bong” Go, mayroon na raw napipisil ang Pangulong Duterte na ipapalit sa nagbitiw na si Morales.

“Sa ngayon po ay nabanggit ng ating Pangulo kahapon (Friday) ng madaling-araw na meron na siyang pinag-iisipang mabuti at maaaring napipisil na ipapalit kay General Morales. By Monday po maaaring ianunsyo niya po ito sa kanyang programa kung sino po itong taong ito,” wika ni Go sa isang panayam.

Nais din aniya ng Pangulong Duterte na linisin ng susunod na presidente ng PhilHealth mula sa kurapsyon ang ahensya mula taas hanggang baba.

“Ang gusto niya po ay kung sino po ang makakalinis dowm sa baba ng PhilHealth kasi ang nakikita niya po hindi lang sa taas, ‘yung sa baba andyan na po ang napakatagal nang korapsyon na nangyayari,” paliwanag ni Go.

Dapat din aniya ay may “willpower” na magawa ang tungkulin ang susunod na pinuno ng PhilHealth at may zero tolerance sa katiwalian.

Magugunitang bumaba sa kanyang puwesto si Morales kamakailan sa gitna ng isyu ng kurapsyon sa state insurer at maging sa kanyang pakikipaglaban sa sakit na lymphoma.

Ngunit iginiit ni Morales na wala raw “iota of evidence” na mag-uugnay sa kanya sa sinasabing anomalya sa ahensya.