Dinipensa ng mga kongresista ang paglulungsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa iba’t ibang bahagi ng bansa at ito ay pagtupad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pangako nitong pagkakaisa.
Pinasinungalingan ni Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na pinapabayaan ni Pangulong Marcos ang Mindanao.
Sinabi ni Adiong na nagsagawa na ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Bukidnon, Sultan Kudarat, Davao de Oro, at Agusan del Norte, at sa Huwebes ay ilulungsad na ito sa Zamboanga at Tawi-Tawi.
Ayon kay Adiong itatayo ng administrasyon ang isa sa pinakamahabang tulay sa bansa na mag-uugnay sa Lanao del Norte at Ozamis City upang maging mabilis ang pagbiyahe sa pagitan ng dalawang lugar.
Iginagalang din umano ng Pangulo ang kapayapaan at ang electoral process sa Mindanao.
Sumegunda naman kay Adiong si Manila Rep. Joel Chua na nagsabi na kahit na hindi sinuportahan ng Maynila si Pangulong Marcos noong 2022 elections ay hindi nito pinabayaan ang lungsod.
Ayon pa kay Chua ang Maynila ang isa sa mga unang lokal na pamahalaan na nakinabang sa Cash and Rice Distribution program ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ayon naman kay Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jay-jay” Suarez nakasama ito sa apat na BPSF event.
Sinabi ni Suarez na walang basehan ang mga alegasyon na pinababayaan ni Pangulong Marcos ang Mindanao.