(Update) BACOLOD CITY – Tatlong complainants na ang gustong magsampa ng kasong extortion laban sa bagong hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Bacolod City.
Ito’y matapos maaresto na sa entrapment operation si Police Major Melvin Madrona dahil umano sa extortion sa loob ng sabungan sa Purok Guanzon, Barangay Mansilingan, Lungsod ng Bacolod kahapon.
Si Madrona ay mahigit isang buwan pa lang bilang pinuno ng CIDG-Bacolod.
Ang entrapment operation ay isinagawa ng pinagsamang pwersa ng Philippine National Police-Integrity Monitoring Enforcement Group (IMEG)-Visayas Field Unit, Special Action Force, at Negros Occidental Police Provincial Office.
Sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Bacolod, isang KTV bar operator ang nagreklamo ng extortion laban kay Madrona.
Nangikil umano kasi ito ng P10,000 at unang nagbigay ng P5,000 ang bar operator noong Pebrero 20.
Ngunit muli naman itong humingi ng pera kahapon at doon na isinagawa ang entrapment operation laban sa kanya.
Sinasabing mayroong kasamang sibilyan si Madrona ngunit nakatakas ito.
Sa ngayon kasong administratibo ang kakaharapin ng bagong CIDG-Bacolod chief.
Pero hinihintay pa kung dadalhin si Madrona sa Camp Crame dahil doon ang opisina ng IMEG.
Lumalabas din sa records ng Quezon City Police District na noong Marso 2017, inireklamo din si Madrona ng isang motorista matapos naman niya itong bugbugin dahil sa away-trapiko.
Dahil dito, nasibak sa puwesto si Madrona at nito lang Enero ay itinalaga bilang hepe ng CIDG sa Bacolod.