Buong suporta ang ibibigay ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa bagong-upong pinuno ng PNP na si PLt. Gen. Archie Gamboa.
Sa pahayag ni DILG Sec. Eduardo Año, welcome para sa kanila ang pagkakatalaga ng Pangulong Rodrigo Duterte kay Gamboa, na “very qualified” sa kanyang trabaho.
“I enjoin the whole DILG especially the police force to rally behind him, enforce the law without fear or favor, and serve and protect the people,” saad ni Año.
Sinabi pa ng kalihim, inaasahan nilang pamumunuan ni Gamboa ang PNP sa pinaigting nitong laban kontra sa iligal na droga, kriminalidad, mga rebelde at terorista.
“I also expect that he would continue to cleanse the PNP ranks of scalawags,” ani Año.
Halos tatlong buwan ding nanatiling officer-in-charge si Gamboa makaraang bumaba sa puwesto si dating PNP chief Oscar Albayalde dahil sa isyu ng ninja cops.
Tulad ni Albayalde at ng dati ring PNP chief at ngayo’y Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, si Gamboa ay miyembro rin ng Philippine Military Academy “Sinagtala” Class of 1986.