-- Advertisements --

Umupo na bilang commander ng Counter Intelligence Task Force (CITF) si S/Supt. Romeo Caramat Jr. bilang kapalit ni S/Supt. Jose Chiquito Malayo na inilipat sa ibang puwesto.

Si Caramat ang dating provincial director ng Bulacan kung saan nakilala ito sa kanyang “One Time Big Time Operation” noong Agosto 2017 kung saan 32 ang napatay sa 24-oras na operasyon ng PNP.

Aminado si Caramat na malaking hamon para sa kaniya ang kaniyang bagong tungkulin dahil ang kaniyang magiging misyon ay ang mga kapwa niya pulis na sangkot sa iba’t ibang iligal na aktibidad.

Aniya, nagpapasalamat ito kay PNP chief Oscar Albayalde sa tiwalang ibinigay sa kaniya para pamunuan ang CITF.

Pagbibigay-diin ni Caramat na sa ilalim ng kaniyang pamumuno, sisiguraduhin niya na lahat ng mga tiwaling pulis, mataas man ang posisyon at ranggo, ay hindi nito sasantuhin.

Hindi naman maipangako ni Caramat na walang dadanak na dugo sa kanilang mga operasyon lalo na kung manlaban ang mga ito.

Aniya, lahat ng mga magiging aksiyon ng PNP CITF ay naaayon sa command policy ng Philippine National Police (PNP).

Hiling naman ni Caramat sa mga tauhan ng CITF ang kanilang kooperasyon para maipagpatuloy ang kanilang nasimulan.

Si Caramat ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) class of 1992.