Magpapatupad umano ng ilang mga pagbabago ang bagong pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC) na si Joey Romasanta ilang buwan bago ang nakatakdang hosting ng bansa ng 30th edition ng Southeast Asian (SEA) Games.
Pahayag ito ni Romasanta makaraang palitan si Ricky Vargas na bumaba sa puwesto bilang POC president nitong araw ng Martes.
“First things first, we need to regroup and find out what we have and don’t have and coordinate with the Philippine Sports Commission (PSC) for the plans and programs we need to make this SEA Games successful,” wika ni Romasanta.
Binabalak din daw ni Romasanta na bigyan pa lalo ng papel ang POC board sa paghahanda para sa SEA Games, lalo pa’t lumalagda ng kasunduan ang Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) nang walang pahintulot ng lupon.
Kinuwestiyon kasi ng mayorya ng board ang incorporation ng PHISGOC Foundation Incorporation, na umano’y hindi kamuhka ng ad hoc committee na inaprubahan nila noong 2017.
“‘Yung PHISGOC, ang naresolve dito ng POC is to organize it as a committee,” ani Romasanta.
“Of course, we’re still looking into it and doing a careful study and meet with secretary Alan and the PHISGOC organization on how we can effect a transition with what they have now kasi ang lahat na nandito, maraming bagay na tumatakbo man, hindi namin nalalaman,” dagdag nito.
Kasabay nito, nanawagan din ng pagkakaisa si Joey Romasanta dahil batid nito na hindi lahat ay sang-ayon sa kanyang pagkakatalaga sa puwesto.